ERC usad-pagong sa Meralco power rate reset – Tolentino
METRO MANILA, Philippines — Binatikos ni Sen. Francis “Tol” Tolentino ang Energy Regulatory Commission (ERC) sa hindi agad na pag-aksiyon sa proseso ng power rate reset ng Meralco.
Sinabi ni Tolentino na halos isang dekada nang hindi kumilos ang ERC dahil noon pang 2015 nag-expire ang huling rate reset at noong nakaraang Oktubre 30 pa binawi ng Meralco ang kanilang rate reset application.
Nagbunga ito, ayon sa senador, ng hindi tamang pagsingil sa halaga ng kuryente.
“Nakakabahala ang kawalan ng aksyon ng ERC sa rate reset sa ilalim ng nagdaan at kasalukuyang pamunuan. Dapat dito ay nagawa pa noong 2015 pero hinayaan nilang tumagal, tinulugan lamang nila kaya hindi akma ang singilan nila sa ating kuryente,” sabi pa ni Tolentino.
BASAHIN: Pagbura sa utang ng mga magsasaka pamana ni Marcos – Tolentino
Idiniin pa nito na obligasyon ng ERC na pangalagaan ang interes ng mga konsyumer, kabilang na ang regular na rate review.
Base sa obserbasyon ni Tolentino, bigo ang ERC na ganap na masunod ang kanilang mandato dahil sa kakulangan ng patakaran sa pagtatakda ng “distribution wheeling rates.”
Kasabay nito, kinalampag ng senador ang ERC sa isyu naman ng Meralco refund.
Kamakailan, ipinag-utos ng ERC ang pag-refund ng Meralco sa kanilang mga kustomer ng P987.16 milyon na kanilang sobrang nasingil base sa regulatory rate resets.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.