METRO MANILA, Philippines —Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa posibleng pagdaloy ng lahar sa mga lugar sa paligid ng Mount Mayon at Mount Kanlaon dahil sa malakas na pag-ulan bunga ng Tropical Depression Querubin.
Base ito sa abiso ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) nitong Miyerkules na magiging malakas ang pag-ulan sa Bicol Region at Negros Island sa mga susunod na araw kayat posible ang pagdaloy ng lahar sa mga daluyan ng tubig sa paligid ng dalawang bulkan.
Bunga nito, nag-abiso ang Phivolcs sa mga komunidad sa paanan ng dalawang bulkan.
BASAHIN: LPA sa Mindanao naging Tropical Depression Querubin
Sa kaso ng Kanlaon, maaring humalo pa sa lahar ang iba pang materyales na ibinuga sa pagsabog nito noong ika-9 ng Disyembre.
Ang lahar ay maaring dumaloy sa Tamburong Creek sa Biak-na-Bato, Baji-Baji Falls, at Talaptapan Creek sa La Castellana.
Una nang dumaloy ang lahar sa mga komunidad sa paligid ng mga naturang creek noong nakaraang Hunyo.