Susubukin ang bagong Anti-Agriculture Sabotage Act (Republic Act 12022) sa kinumpiskang frozen mackerel mula sa China na nagkakahalaga ng P178.5 milyon.
Dumating sa Pilipinas ang frozen mackerel noong Setyembre at kinumpiska nang madiskubre na wala itong sanitary at phytosanitary import clearance mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.
Noong nakaraang Sabado, pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paginspeksyon sa 21 reefer containers, kung saan nakalagay ang frozen mackerel, sa Manila International Container Terminal sa Maynila.
Base sa kasunduan ng Department of Agriculture at Department of Social Welfare and Development, ang mga kinumpiskang kargamento ay ipamamahagi sa mga mhihirap na residente ng Metro Manila, Central Luzon, at Calabarzon Regions.
Sinabi ni Pangulong Marcos na ang pagkumpiska sa frozen mackerel mula sa China ay ang unang kaso ng paglabag sa bagong batas laban sa pagpupuslit ng mga produktong pang-agrikultura sa Pilipinas.
Naging ganap na batas ang RA 12022 nito lamang nakaraang Oktubre.