Inanunsyo ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Ricardo Visaya ang pagtatalaga kay Colonel Cirilo Tomas P. Donato bilang bagong commander ng 104th “Sultan” Brigade sa Tabiawan, Isabela City, Basilan.
Pinalitan ni Donato si Col. Rolando Joselito Bautista na ngayon ay commander na ng Presidential Security Group (PSG).
Magkaklase sa Philippine Military Academy Class 1985 sina Bautista at Donato.
Sa isang naunang interview, sinabi ni Bautista na malaki ang kanyang tiwala sa pamumuno at galing ng kanyang mistah na si Donato.
Sa panayam ng Radyo Inquirer kay Donato pagkatapos siyang mahirang para sa nasabing posisyon, sinabi nito na hindi lamang military operations laban sa Abu Sayyaf Group ang isinasagawa ng militar sa Basilan kundi sinasabayan din ito ng mga civil military operations upang tulungan ang mga Basilan constituents lalung-lalo na ang mga apektado ng mga kaguluhan sa probinsya.
Sinabi rin nito na patuloy pa rin ang military operations sa Tipo Tipo, Al Barka at Ungkaya Pukan.
Si Donato ay nagsilbing Defense Attaché ng Pilipinas sa ibang bansa bago ito itinalagang deputy commander ng 104th Brigade sa Basilan.