Motorcycle taxis inireklamo sa pag-operate bilang habal-habal

Isinumbong sa Senado ng isang consumer group ang motorcycle taxis na nagpapatay ng kanilang app tuwing rush hour para makapag-biyahe bilang “habal-habal.”

Sa pagdinig ng Senate public services committee, sinabi ni Patrick Climaco, ang secretary general ng Konsyumer at Mamamayan Ph, na siya mismo ay naalok ng motorcycle taxi na mayroon namang booking app.

Delikado aniya ito sa mga pasahero tulad ng nangyari sa isang babae na muntik magahasa ng isang motorcycle taxi rider.

Inamin naman ni Romeo Maglungsod, chairman ng Motorcycle Taxi Community Alliance, na may nagpapatay ng kanilang booking app sa kanilang mga rider tuwing rush hour para mag-operate bilang habal-habal para sa mas malaking kita.

Aniya nagagawa nila ito dahil wala pa naman batas na gumagabay sa kanilang operasyon.

Ayon naman kay Land Transportation Franchising & Regulatory Board Chairman Teofilo Guadiz Jr., nasa Kongreso na ang bola ukol sa pag-pasa ng batas para sa operasyon ng motorcycle taxis.

Read more...