4 na miyembro ng Briones drug and carnap group, patay sa gunbattle
Burado na ang Briones drugs and carnapping group matapos na mapatay ang apat sa mga miyembro nito sa ginawang drug buy-bust operation ng Quezon City Police District (QCPD) – District Anti-illegal Drugs (DAID)sa CP Garcia, UP Diliman QC.
Ayon kay Sr. Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar – acting deputy director, Quezon City Police District, nagpanggap na bibili ng 100 gramo ng shabu ang isa sa pulis ng CPD-DAID pero natunugan umano ng dalawang suspek na sakay ng silver innova kaya nagtangka pa silang tumakas.
Ang hindi alam ng tropa ng DAID, may back-up na riding in tandem ang dalawang suspek na katransaksyon ng mga pulis.
Ito umano ang unang nagpaputok ng baril sa mga pulis kaya gumanti ng putok ang mga miyembro ng DAID na agad na kinamatay ng dalawang suspek na sakay ng silver innova.
Habang nagkaroon ng habulan ang miyembro ng DAID at ang dalawa pang suspek na riding in tandem hanggang maabutan sila ng mga pulis sa Maharlika St. Brgy. Old capitol QC at mapatay.
Pagdating ng SOCO, dito na nakita ang mahigit isang kilong hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit tatlong milyong piso na nasa loob ng sasakyan ng mga suspek.
Nakuha din sa crime scene ang apat na caliber 45.
Kinilala ng QCPD ang dalawang napatay na sina Ignacio dela Cruz at Earl Javier.
Habang nakilala lamang sa alyas na John at Jake ang napatay naman sa Maharlika St. Bgy. Old capitol QC.
Dahil sa pagkakamatay ng apat na miyembro ng Briones drug and carnapping group habang una ng naaresto ang apat pang miyembro nito kabilang na ang kanilang lider na si Salvacion Briones.
Naniniwala si Sr. Supt. Eleazar, na burado na ang naturang grupo.
Pinagmalaki naman ni Eleazar na bago magsimula ang July 1 hanggang July 9, umaabot na sa 12 ang namatay na may kinalaman sa bawal na gamot, 278 ang naaresto at 2,268 ang sumuko sa lungsod.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.