Kongreso, sinimulan ang pagplantsa sa 2025 national budget
Sa pangunguna nina Senate President Francis “Chiz” Escudero at House Speaker Martin Romualdez, nagharap na ang mga senador at kongresista sa bicameral conference committee para pag-usapan ang isinusulong na P6.352 trilyon pambansang pondo para sa susunod na taon.
Isinagawa ang pagpupulong ng mga piling mambabatas mula sa dalawang kapulungan ng Kongreso sa Sheraton Manila Hotel sa Pasay City.
Nagkasundo ang mga mambabatas na bumuo ng technical working group mula sa Senado at Kamara na siyang mag-uusap tungkol sa mga probisyon sa panukalang pambansang pondo na hindi mapagkasunduan ng mga senador at kongresista.
Sinabi ni Sen. Grace Poe, ang namumuno sa Senate Finance Committee, na hangad nilang mga senador na maging balanse, makatuwiran, at tunay na para sa mamamayan ang ipapasang pambansang pondo.
Ayon naman kay Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, ang chairman ng House Appropriations Committee, na ang ipapasang pambansang pondo ay alinsunod sa 8-Point Socioeconomic Agenda ng administrasyong Marcos.
Kinumpirma naman ni Poe na target nilang matapos ang diskusyon sa Disyembre 9.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.