METRO MANILA, Philippines — Naglabas ng “open statement’ si Vice President Sara Duterte kaugnay sa naging pagpupulong ng National Security Council (NSC) ukol sa viral video ng kanyang pagbabanta kina Pangulong Marcos Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at House Speaker Martin Romualdez.
Nasa kanyang official Facebook account ang open letter at kinuwestiyon nito ang pahayag ni National Security Adviser Eduardo Año na ang maituturing na “national security concern” ang pagbabanta sa buhay ng tatlong personalidad.
Sinabi ni Duterte na ang pambansang seguridad ay ukol sa pagbibigay proteksyon sa sobereniya ng bansa, ang kaligtasan ng sambayanan at ang pangangalaga sa mga demokratikong institusyon.
BASAHIN: NBI nag-iimbestiga sa ‘kill threat’ ni VP Duterte kay Marcos
Hiniling nito na mabigyan ng kopya ng notice of meeting, ang listahan ng mga dumalo sa pulong, retrato ng pulong at notarized minutes ng pulong.
Nais aniya din malaman kung sa mga dating pagpupulong ng NSC ay tinalakay ang mga naging pahayag ng pangalawang pangulo laban sa pangulo ng bansa.
Nagpahiwatig pa si Duterte na ang kanyang naging pahayag ay nabigyan ng ibang kahulugan.
Hiniling din niya na sa susunod na pagpupulong ay mapagbigyan siya na maiprisinta ang mga pagbabanta sa kanya, sa Office of the Vice President (OVP) bilang institusyon at sa kanyang mga tauhan.
Sinabi pa ni Duterte na bilang miyembro ng NSC, wala siyang maalalang napadalhan siya ng notice of meeting simula noong ika-30 ng Hunyo 2022.
Nais din niyang mabusisi ang mga naging trabaho ng NSC sa usapin ng pambansang seguridad.
“Moreover, please submit within 24 hours, an explanation in writing with legal basis why the VP is not a member of the NSC or why as member I have not been invited to the meetings, whichever is applicable,” sabi pa ni Duterte sa kanyang open letter.