METRO MANILA, Philippines — Hiniling ni Sen. Risa Hontiveros sa Regional Trial Court (RTC) sa Pasig City at Quezon City na payagan si Apollo Quiboloy, ang founder Kingdom of Jesus Christ (KJC), na makadalo sa mga pagdinig sa Senado.
Ang liham ni Hontiveros ay ipinadala niya kina Presiding Judge Elma Rafallo-Lingan, ng Pasig City RTC Branch 159 at kay Presiding Judge Noel Parel ng Quezon City RTC Branch 106.
Sa dalawang korte nakabinbin ang mga kasong qualified human trafficking at child abuse ni Quiboloy.
BASAHIN: US nakatutok sa mga kaso ni Apollo Quiboloy sa Pilipinas
Binanggit ni Hontiveros na may pagdinig sa darating na Oktubre 23 ang pinamumunuan niyang Committee on women, children, family relations and gender equality ukol sa mga alegasyon ng pang-aabuso ng mga dating miyembro ng itinatag niyang Kingdom of Jesus Christ (KOJC).
Nais aniya niya na magkaharap na ang dalawang panig.
Nais din ni Hontiveros na makadalo sa pagdinig ang mga kapwa akusado ni Quiboloy na sina Jackielyn Roy, Cresente Canada, Ingrid Canada at Sylvia Cemañes.