METRO MANILA, Philippines — Pabahay sa 8,000 sa kanyang mga kalungsod ang nais ni San Juan City Mayor Francis Zamora na tuldok sa kanyang termino.
Ito ang isa sa mga pangunahing dahilan kayat nais ni Zamora na makumpleto at matapos ang tatlong termino ng isang alkalde hanggang 2028.
Kaniina, naghain na si certificate of candidacy (COC) si Zamora, kasama sina Vice Mayor Angelo “AAA” Agcaoili at ang kanilang mga kandidato sa pagka-konsehal, sa Commission on Election (Comelec) office sa Barangay Pedro Cruz.
BASAHIN: Senatorial bets Camille Villar, Abby Binay naghain na ng COC
Kasama din nila ang kanyang kapatid na si San Juan City reelectionsit Rep. Bel Zamora, na naghain naman ng kanyang COC para sa ikawalng termino sa Comelec – NCR office sa Barangay Greenhills.
Bago ito, dumalo sa Banal na Misa sina Zamora sa Santuario del Santo Cristo Parish bago sila nag-martsa patungo sa opisina ng Comelec. Sila ay tatakbo sa ilalim ng Partido Federal ng Pilipinas.
Ipinagmamalaki ni Zamora na sa loob ng mahigit limang taon natupad niya ang lahat ng kanyang mga ipinangako simula noong 2019.
“We have delivered on our promises to the people of San Juan, greatly improving the city’s infrastructure, public services, and overall quality of life,” sabi ni Zamora.
Bukod sa pinapangarap niyang pabahay sa libo-libo sa kanyang mga kalungsod, ayon kay Zamora, itatayo din nila ang Makabagong San Juan Multi-level Sports Complex, San Juan City Government Center, San Juan City Crematorium and Columbarium at ang San Juan City Command Center.
Idiniin pa niya na napakahalaga ng panibagong tatlong taon na termino upang maipagpatuloy ang magandang tinatahak ng kanilang lungsod.