METRO MANILA, Philippines — Ipinag-utos ni Education Secretary Sonny Angara ang mas mabilis na pagbili ng mga kagamitan, kabilang na ang mga libro, gayundin ang pagpapatayo ng mga imprastraktura.
Sakop ng Deparment of Education (DepEd) Memorandum 049 series of 2024 — o Early Procurement Activities (EPAs) — ang lahat ng mga tanggapan sa kagarawan.
Sinabi ni Angara na ginagawa na ng DepEd ang lahat ng mga hakbang upang mapabilis ngunit masinop na paggamit ng kanilang pondo.
BASAHIN: Ayusin pagtuturò ng kasaysayan, bilin ni Marcos kay Angara
Aniya, sa pamamagitan ng EPA maaring maaga na pumasok sa mga kontrata, masimulan ang mga proyekto, at makapag-award ng mga serbisyo para sa susunod na taon.
Sakop din nito ang pagbibigay ng rekomendasyon ng Bids and Awards Committee sa Head of Procuring Entities (HoPE) depende sa pag-apruba sa pondo.
Sa susunod na taon, matutuon ang DepEd Central Office sa high-priority projects kasama na ang pagbili ng textbooks, e-Learning Cart packages, testing materials, learning tools, at equipment sa pamamagitan ng EPA.
Samantala, ang Regional at Schools Division Offices ay maari din gamitin ang EPA sa kanilang mga proyekto, tulad ng sa smart-TV packages, laptops, school furniture, school health facilities hanggang sa pagpapatayo ng mga paaralan.