Senate bill pakay pagtatanimin ng puno mga graduating students
METRO MANILA, Philippines — Inilatag na sa Senate plenary nitong Martes ni Sen. Cynthia Villar ang panukalang kailangan magtanim ng kahit dalawang puno ang bawat isang graduating high school at college student.
Ayon kay Villar, sa ngayon ay nagkukulang na ang mga puno sa bansa at malaking tulong sa pagbibigay proteksyon sa kalikasan at panlaban sa climate change kung maisasabatas ang panukala.
Aniya, gagawing pre-requisite sa graduation ng bawat senior high school at college student ang pagtatanim ng dalawang puno.
Sinabi pa ng senadora, na namumuno sa Senate environment and natural resources committee, na ang mga puno ay maaring itanim ng graduating students sa mga bakanteng lote at sa gilid ng mga ilog.
Dinagdag pa niya na pangangasiwaan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagtatanim at ito rin ang mamimili ng mga partikular na puno na itatanim para akma sa lokasyon.
Binanggit ni Villar na sa tinatayang dalawang milyong estudyante na nagtatapos ng high school at kolehiyo taon-taon, at bawat taon ay may apat na milyong bagong puno na maitatanim kapag naging ganap na batas ang panukala.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.