May nagparamdan daw sa PAOCC chief na ‘ayusin’ mga POGO cases
METRO MANILA, Philippines — Ibinunyag ni Presidential Anti-Organized Crimes Commission (PAOCC) chief Gilbert Cruz na may mga nagparamdam din sa kanya para “ayusin” ang mga kaso ibinunga ng pagsalakay sa illegal POGO hubs sa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga.
Nilinaw naman ni Cruz na hindi idiniretso ang alok sa kanya kundi ipinadaan sa kanyang mga kaibigan at ang mga ito ay nalaman niya sa kuwentuhan lamang.
Pinagbilinan na lamang aniya niya ang mga kaibigan niyang kinausap na huwag na muling kausapin ang mga nagpahayag ng interes sa mga isinampa nilang kaso.
BASAHIN: Alice Guo nag-alok daw ng P1-B para makausap ang First Family
Isa si dating Bamban Mayor Alice Guo o Guo Hua Ping sa kanilang mga kinasuhan.
Ibinahagi ito ni Cruz sa isang panayam sa radyo nitong Miyerkules matapos siyang matanong ukol sa ibinunyag ni dating Sen. Panfilo Lacson na may isang kaibigan siyang Filipino-Chinese businessman na nilapitan ng kampo ni Guo at inalok diumano ng P1 bilyon para lamang makausap ang Unang Pamilya.
Sinabi din ni Cruz na iniimbestigahan na ng Department of Justice at Philippine National Police ang poisbleng “leakages” bago ang pagsalakay nila sa dalawang POGO hubs.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.