METRO MANILA, Philippines— Kinailangan na umalis ng kanilang bahay ang 301 indibiduwal na nakatira malapit sa nag-aalburutong Kanlaon Volcano, ayon sa pahayag nitong Miyerkules ni Edna Lhou Masicampo, Canlaon City information officer-designate.
Nabatid ng Radyo Inquirer na ang mga indibiduwal ay mula sa 92 pamilya mula sa Barangay Masulog, Barangay Pula, Barangay Malaiba at Barangay Lumapao sa Canlaon City.
Ang apat na barangay ay nasa loob ng 4-kilometer permanent danger zone (PDZ).
BASAHIN: Mga malapit sa Kanlaon dapat gumamit ng mask, goggles – DOH
Sinuspindi na rin ni Mayor Jose Cardenas ang mga klase sa lahat ng antas sa mga priibado at pampublikong paaralan dahil sa panganib dulot ng ibinubugang asupre ng bulkan.
Nakapagtala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ng 337 volcanic earthquakes simula kaninang madaling araw at umabot na sa 9.985 tonelada ang naibugang asupre.