Alice Guo dapat makulong muna sa Senado – Hontiveros
METRO MANILA, Philippines — Ipinagdiinan ni Sen. Risa Hontiveros na dapat ay ibigay muna ng Philippine National Police (PNP) sa Senado ang kustodiya kay Guo Hua Ping o Alice Guo.
Katuwiran ng namumuno sa Senate Committee on women, children, family relations and gender equality, ang Senado ang unang naglabas ng arrest order para kay Guo.
Aniya, bagamat iginagalang niya ang karapatan ng hudikatura na maglabas din ng arrest warrant, ang Senado ang unang kumilos para malantad ang mga sinasabing ilegal na mga aktbidad ni Guo.
BASAHIN: Alice Guo inaresto na ng mga awtoridad sa Indonesia
Binanggit pa niya na ang arrest order na binitbit sa Indonesia upang mapasakamay ng Pilipinas si Guo ay ang inisyu ni Senate President Francis “Chiz” Escudero.
Kinuwestiyon din ni Hontiveros ang pagpapalbas ng warrant of arrest ng isang korte sa Tarlac para kay Guo gayung ang mga kasong kriminal na isinasampa laban sa mga alkalde ay nasa hurisdiksyon ng Sandiganbayan.
Nabatid na kapag hindi nag-piyansa si Guo sa kanyang mga kaso sa Tarlac ay mananatili siya sa kustodiya ng PNP.
Kinakailangan din na hilingin pa ng Senado sa korte na makaharap si Guo sa pagdinig sa Lunes, ika-9 ng Setyembre.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.