House bill nais bigyan ng pensyon mga magsasaka, mangingisda
METRO MANILA, Philippines — Naghain ng panukalang-batas si Senior Citizens Party-list Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes na ang layunin ay mabigyan ng agricultural pension ang mga magsasaka at mangingisda sa bansa.
Sa inihain niyang House Bill No. 10740, ikinatuwiran ni Ordanes nitong Linggo na, sa kabila ng napakahalaga ng bahagi ng mga magsasaka at mangingisda sa ekonomiya at buhay ng sambayanan, nananatiling isa sila sa mga pinakamahirap na sektor sa Pilipinas.
Dagdag pa ng mambabatas, importante ang mga magsasaka at mangingisda sa seguridad sa pagkain sa bansa at sila ang nagpapasigla ng kabuhayan sa mga kanayunan.
BASAHIN: Sen. Imee Marcos nais akitin mga kabataan sa agrikultura
Ipinaliwanag ng Ordanes na inihain niya ang panukalang batas upang sa pagtanda ng mga nasa sektor ng agrikultura ay may regular silang matatanggap na pensyon para sila ay may pangtustos sa kanilang mga pangangailangan, tulad ng mga gamot.
Naniniwala din siya na ang pagbibigay ng pensyon sa mga magsasaka at mangingisda ay makakapanghikayat sa mga kabataan na ikunsidera ang sektor ng agrikultura bilang paraan ng regular na pagkakakitaan at kanilang ikabubuhay.
Ikinatuwiran pa ni Ordanes na ang pagbibigay pensyon sa mga magsasaka at mangingisda ay munti ngunit napakahalagang pagkilala sa kanilang ambag sa pang-araw araw na buhay ng kanilang mga kapwa Filipino.
“Kapag naging ganap na batas, pagtitibayin din nito ang sektor ng agrikultura sa bansa,” sabi pa ng mambabatas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.