Backlog sa HUDCC, target ubusin ni Robredo

Kuha ni Jomar Piquero
Kuha ni Jomar Piquero

Ngayong siya na ang naitalagang mamuno sa Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC), isa sa mga pangunahing plano ni Vice President Leni Robredo ay ang ubusin na ang backlog ng opisina na mga nakatakdang itayong mga bahay.

Ayon kay Robredo, tinatayang nasa 1.4 milyong kabahayan pa ang nakatakdang itayo para sa mga bitkima ng mga kalamidad, sa mga walang tahanan at pati na iyong mga nakatira sa mga sira-sirang bahay.

Sa ngayon aniya kailangan niya pang aralin kung ano na ba ang status ng mga proyektong ito tulad ng kung naumpisahan ba ito o isinasagawa pa rin hanggang ngayon.

Target sana ani Robredo ng kaniyang panunungkulan sa HUDCC na pagdating ng pagtatapos ng kaniyang termino ay maubos na lahat ng mga naka-tenggang proyekto.

Bukod naman sa mga backlog, base sa tantya ng HUDCC, nasa 5.5 milyong kabahayan pa ang kailangang itayo at isa aniya itong pagsubok dahil kaunti lang ang pondo ng opisina.

Sakali naman aniyang kailanganin ng karagdagang pondo para sa opisina, doon lamang siya hihingi lalo’t bilang isang coordinating council, marami pang mga ahensya ang napapaloob sa kanila.

Dagdag pa ni Robredo, nais niyang padaliin ang proseso para sa mga mahihirap at bawasan na ang mga opisina at pirma na kailangang daanan para sila ay mapagsilbihan.

Read more...