Gulo sa Middle East, isinisi ni Duterte sa Amerika

By Kabie Aenlle July 09, 2016 - 04:20 AM

Pres. Duterte2Sa kabila ng diktadurya ni Saddam Hussein sa Iraq, kontrolado naman niya ang bansa hanggang sa sumalakay ang Estados Unidos at nagkaroon ng digmaan.

Ito ang paniniwala ni Pangulong Rodrigo Duterte na tunay na sanhi ng gulo sa Middle East.

Ayon kay Duterte, ang Amerika talaga ang tunay na nag-tulak sa Middle East na pasukin ang mundo ng digmaan nang salakayin nila ang Iraq noong 2003 para itumba si Saddam.

Taliwas ito sa pinaniniwalaan ng karamihan na ang mga bansa sa Gitnang Silangan, partikular na ang mga Muslim countries, ang nagpapakalat ng terorismo sa mundo.

Giit niya, hindi nag-eexport ng terorismo ang Middle East sa Amerika, bagkus ang Amerika ang nag-iimport nito.

Dahil aniya sa sinimulang digmaan ng U.S. sa Iraq, nagkagulo na rin sa Libya at Syria na dahilan ng pagkaubos ng mga tao kabilang na ang mga inosenteng bata.

Ani Duterte, nagipit na ang mga ito dahil sa mga ipinangako sa kanila na hindi naman natupad.

Nabanggit pa ng pangulo na matapos ang masinsinan at mahabang imbestigasyon na tumagal pa ng halos 10 taon, lumabas na wala naman palang legal na basehan ang giyera sa Iraq.

Aniya pa, isa lamang itong digmaan na wala palang katuturan.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.