Go balak post analysis sa paghahanda ng PH sa Paris Olympics
METRO MANILA, Philippines — Binabalak ni Sen. Christopher Go na pangunahan ang pagsasagawa ng komprehensibong pag-aaral sa naging preparasyon at suporta sa mga atletang Filipino sa 2024 Paris Olympics.
Sinabi ni Go nitong Lunes na sa kanyang palagay ay may mga kailangan pang ayusin sa pagbibigay ng suporta sa mga atleta.
Binanggit niya ang naging hinaing ng Philippine golf team sa kawalan nila ng uniporme.
BASAHIN: Baon ng Pinoy athletes sa 2024 Paris Olympics ibinilin ni Go
Ipinagdiinan ng senador na dapat ay mga natutuhan ang mga nasa sektor ng pambansang sports upang maiwasan na maulit pa ang ipinapalagay na mga mali.
Naging viral sa social media ang video ng nanay ng golfer na si Dottie Ardina na idinidikit sa kanilang generic golf outfit ang Philippine flag sa pamamagitan ng double-sided tape dahil wala silang official uniform.
Ayon sa senador hindi niya inaasahan ang ganitong sitwasyon dahil isinusulong pa niya ang karagdagang P30 milyon para sa paghahanda ng mga atletang Filipino sa olimpiyada.
Samantala, sa nasungkit na dalawang ginto at dalawang tansong medalya, ang Pilipinas ang “best team” sa hanay ng mga bansa na miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (Asean).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.