METRO MANILA, Philippines — Aabutin ng ilang araw ang paggalugad ng mga pulis sa 30 ektaryang Kingdom of Jesus Christ (KJC) Compound para hanapin si Pastor Apollo Quiboloy, ayon sa pahayag nitong Biyernes ni Col. Jean Fajardo, ang tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP).
Nakakadagdag din sa hirap ng kanilang paghahanap ang “delaying tactics” na ginagawa ng mga tagasunod ng KJC founder, sabi ni Fajardo.
Ipinaalala ni Fajardo na, noong ika-10 ng Hunyo nang tangkain ng mga pulis na isilbi ang arrest warrant sa pastor, gumamit ng mga bata at babae ang mga tagasunod para harangan ang mga pulis.
BASAHIN: Freeze order sa ari-arian ni Quiboloy nilabas ng CA
Dagdag pa niya, gumamit din ng firetruck ang mga tagasunod ni Quiboloy upang maitaboy ang mga pulis.
Aniya, batid nila na napaghandaan muli ang mga pulis na papasok sa compound.
Una nang inihayag ni Brig. Gen. Nicolas Torre III, hepe ng Davao Police Regional Office, na base sa kanilang intelligence monitoring nananatili sa KJC Compound si Quiboloy.
Nahaharap sa mga kasong child abuse at qualified human trafficking si Quiboloy.