Mga alalay, bodyguards ng gov’t officials off-limits sa Senado

PHOTO: Composite image of Senate logo and building facade STORY: Mga alalay, bodyguards ng gov't officials off-limits sa Senado
INQUIRER.net file photo

METRO MANILA, Philippines — Hindi na maaaring pumasok sa Senate Building ang mga security aides at sandamakmak na alalay ng mga opisyal ng gobyerno na makikibahagi sa deliberasyon sa 2025 national budget.

Inanunsiyo ito ni Senate President Francis “Chiz” Escudero nitong Huwebes.

Katuwiran ni Escudero, ligtas ang Senate Building para sa mga opisyal kayat hindi na kailangan pa na bitbitin nila sa loob ang kanilang mga bodyguard.

Aniya sa darating na ika-14 ng Agosto 14 sisimulan ang briefing sa mga senador ng Development Budget Coordination Committee.

BASAHIN: DBM ikinukunsidera ang P6.2T 2025 national budget

Dagdag pa ni Escudero, tanging ang mga imbitado lamang ng Legislative Budget Research and Monitoring Office (LBRMO) ang papasukin sa Senado.

Sabi pa ng senador ang mga staff ng mga opisyal ay maaring manatili sa itatalagang holding area kung saan kumpleto ang mga kagamitan na kanilang kakailanganin.

Ipinaliwanag ni Escudero na kailangan din ang naturang hakbang dahil  limitado ang kapasidad ng walong committee rooms kapag nagkasabay-sabay ang deliberasyon kayat kailangan na limitahan ang mga pahaharapin na resource persons.

Aniya kailangan na matapos nila ang deliberasyon para sa ipinanukalang higit P6.3 trillion na 2025 national budget sa ika-28 ng Setyembre bago ang suspensyon ng sesyon ng Kongreso.

Read more...