METRO MANILA, Philippines — Dalawamput-dalawa sa 23 senador ang pumabor sa resolusyon na magpapasuspindi ng pagpapatupad ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Sinabi ni Sen. JV Ejercito nitong Miyerkules na sang-ayon siya sa resolusyon dahil ang obserbasyon niya at ng nakakarami ay hilaw pa ang programa at sapilitan ang pagpapatupad.
Kabilang aniya sa mga dapat pang plantsahin ay ang mga ruta ng mga bagong sasakyan, gayundin ang pagbabayad sa modern jeepneys ng mga operator at driver kung hindi rin naman tumaas ang kanilang kita.
Pinuna rin ni Sen. Joel Villanueva na higit 11% pa lamang ng local government units (LGUs) ang naaprubahan ang isinumiteng route plan para sa naturang programa.
Binanggit din niya na mismong ang Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines na ang nagsabi na ang P2 milyon o higit pa na halaga ng isang modern jeepney ay hindi kakayaning bayaran ng mga operator at driver na kumikita lamang ng P650 kada araw.
Inihain ni Sen. Raffy Tulfo ang resolusyon na ang layon ay masuri at mapag-aralan ng husto ang programa.