METRO MANILA, Philippines — Naging “super typhoon” na ang Typhoon Carina (international name: Gaemi) habang papalapit ito sa Taiwan nitong hapon ng Miyerkules, ayon sa pahayag nitong Miyerkules ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).
Sa kabila nito, nakikita ng Pagasa na magpapatuloy ang halos walang patid na pag-ulan sa malaking bahagi ng Pilipinas bukas ng Huwebes.
Ang mararanasang daw na pag-ulan bukas ay dahil sa habagat, na patuloy na paiigtingin ng bagyo.
Kabilang sa mga uulanin na lugar ang Metro Manila at ang mga nasa kanlurang bahagi ng Luzon.
Taglay ng Carina ang lakas ng hangin na 185 kph malapit sa gitna at pagbugso na umaabot sa 230 kph.
Napanatili naman nito ang bilis sa 20 kph at kumikilos patungo sa direksyon na hilaga-kanlurang hilaga, at lumawak sa 700 km ang apektado ng malakas na hangin na dulot nito.
Inaasahan na lalabas ito sa Philippine area of responsibility (PAR) umaga ng Huwebes.