“Nagkasundo, nakasalalay sa tamang liderato”- Grace Poe

Inquirer file photos
Inquirer file photo

Mahigit anim na oras tumagal ang pulong kagabi sa Palasyo ng Malakanyang.

Dumalo sa pulong na ipinatawag ni Pangulong Benigno Aquino III sina Senator Grace Poe, Senator Chiz Escudero at Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Mar Roxas.

Sa post sa kaniyang Twitter account, sinabi ni Poe na nagsimula ang hapunan sa Bahay Pangarap alas 7:00 ng gabi ng Miyerkules, at tumagal hanggang pasado ala 1:00 na ng madaling araw ng Huwebes.

Sinabi ni Poe na naging ‘maganda at maayos’ ang kanilang pag-uusap.

Sa kanyang Twitter post sinabi ng senadora na nagkasundo silang lahat na ang “pagsulong ng bansa ay nakasalalay sa tamang liderato.”

Sa huli sinabi ni Poe na napagkasunduan nila na ang pinakamahalagang isaalang-alang ay ang boses at gabay ng sambayanan upang matiyak na mapapalakas pa ang pamamalakad sa pamahalaan sa susunod na anim na taon.

“Lahat kami ay sang-ayon na nakasalalay sa tamang liderato ang pagsulong ng ating bansa. Kaya naman nagkasundo kami na ang pinakamahalaga ay isaalang-alang ang boses at gabay ng ating mga kababayan upang masigurong hindi ito mawaldas at mapalakas pa ang maayos na paraan ng pamamalakad ng gobyerno sa darating na susunod na anim na taon,” ito ang iba pang bahagi ng post ng senadora.

Wala namang binanggit si Poe kung siya ba ay pumayag nang maging running mate ni Roxas sa 2016 elections.

Ang nasabing pulong ay itinuturing na “crucial” sa paghahayag ni Pangulong Aquino ng kaniyang susuportahang kandidato sa susunod na eleksyon.

Ilang araw ng umiiwas sa tanong ng media si Poe ngunit pinili nito na idaan sa Twitter post ang kanyang statement./Dona Dominguez-Cargullo

Read more...