Komadrona inaresto dahil sa ‘baby for sale’ na alók sa Facebook

PHOTO: Rescued baby being offered for sale on Facebook STORY: Komadrona inaresto dahil sa ‘baby for sale’ na alók sa Facebook
Itó yung sanggól na ibinibenta sana sa Facebook matapós masalba ng mga awtoridád. —Larawan mula sa National Authority for Child Care

METRO MANILA, Philippines —Patong-patong na mga kaso ang kinahaharáp ng isang komadrona dahil sa pag-aalók ng isáng sanggol sa Facebook.

Ayon kay National Authority for Child Care (NACC) Undersecretary Janella Ejercito Estrada nasakote ang 51 anyos na suspek sa isang entrapment operation sa Muntinlupa City noong nakaraang Martás, ika-16 ng Hulyo.

Aniya, naisampá na sa Department of Justice (DOJ) ang mga kasong paglabág sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act (Republic Act No. 7610), Anti-Trafficking in Persons Act (RA No. 9208), at Expanded Anti-Trafficking in Persons Act (RA No. 11862) laban sa suspek.

BASAHIN: DOJ nagpapatulong sa Facebook laban sa ‘baby for sale’ racket

Nabatíd ng Radyo Inquirer na ang DOJ Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang nakapuná sa kadududang post ng suspek sa Facebook gamit ang ibáng pangalan.

Nang makumpirmá na ipinagbíbili niyá ang isáng bagong silang na sanggól sa halagáng P25,000, nagkasá na ang NBI-Anti-Human Trafficking Division ng entrapment operation at nasakote ang suspek.

Sabi pa ni Estrada, naglabas silá ng sertipikasyón na hindí dumaán sa legál na proseso ng pag-aampón ng sanggól at itó, at itó ay gagamitin laban sa suspek.

Nasa pangangalagà na ngayón ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang sanggól.

Read more...