Seryoso ang pag-ugnáy kay Roque sa illegal POGO hub – Escudero

PHOTO
Si Harry Roque, noong nagsisilbí pa siyáng presidential spokesperson. —File photo mulá sa Malacañang

METRO MANILA, Philippines — Nararapat lamang na bigyáng linaw ni dating presidential spokesman na si Harry Roque ang pagbubunyág ni Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor) Chairman Alejandro Tengco na may kaugnayan siyá sa sinalakay na Philippine offshore gaming operator (POGO) hub sa Porac, Pampanga.

Ayon kay Escudero, seryoso ang alegasyón na tinulungan ni Roque ang Lucky South 99 Oursourcing Inc., sa “reapplication” ng lisensya nitó sa Pagcor.

Isiniwalat ni Tengco na nagtungò sa kanyáng opisina si Roque kasama ang isang Cassandra Li Ong na opisyal ng naturang kompanyá.

Ang Lucky South 99 ang sinalakay na POGO hub sa Porac, Pampanga kamakailán.

Si Sen. Francis Escudero ang bagong napiling Senate president nitong Lunes, ika-20 ng Mayo 2024. —INQUIRER.net file photo

Dagdág pa ni Escudero, naniniwalà siyá na dapat ay paunlakán ni Roque ang ipapadaláng imbitasyón sa kanyá ng komité ni Sen. Risa Hontiveros upang magpaliwanag.

Itinanggí ni Roque na nagsilbí siyáng abogado ng Lucky South 99, bagamát idiniín ni Hontiveros na may mga dokumento ang komité na magpapatunay sa nagíng ugnayan ng datíng tagapagsalitâ sa POGO hub.

Read more...