MMDA may paaalala sa mga naglalaro ng ‘Pokemon Go’

pokemon mmdaNaglabas ng paalala ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga nahuhumaling na sa bagong laro sa smartphones na “Pokemon Go.”

Ang nasabing laro ay hango sa animated series na Pokemon, kung saan maari kang maging isang “Pokemon Trainer” na maglilibot sa iba’t ibang mga lugar upang makahanap ng mga Pokemon.

Dahil konektado ito sa GPS at kailangan mong personal na puntahan ang lugar na makikitaan mo ng Pokemon, nagpaalala ang MMDA na iwasan ang paggamit ng cellphone lalo na habang tumatawid ng kalsada.

Sa Facebook post ng MMDA, pinaalalahanan nila ang mga mamamayan na ituon lang ang mga mata sa kalsada at huwag kalimutang lumingon sa kaliwa’t kanan.

Sakali namang hindi talaga mapigilan ang paglalaro, dapat anilang gamitin ng mga ito ang mga pedestrian footbridges upang hindi masagasaan.

Gayunman, pinayuhan pa rin nila ang mga naglalaro na maging alisto pa rin sa daan dahil posible naman silang mahablutan ng gadgets habang naglalakad at naglalaro.

Agad na naging popular dito sa bansa ang nasabing laro kahit pa hindi pa ito opisyal na inilalabas sa Google Playstore at sa iOS App Store.

Read more...