Magiging nationwide na ang dati nang TV program ni Pangulong Rodrigo Duterte na dati na nitong ginagawa noong ito ay alkalde pa ng lungsod ng Davao.
Sa panayam sa Inquirer, kinumpirma ni Communications Office Secretary Martin Andanar na itutuloy na nila ang dati nang programa ni Duterte sa Davao na “Gikan sa Masa, Para sa Masa.”
Nang ito;y sumasahimpapawid sa Davao tuwing linggo, tumatagal ito ng 30 minuto at ‘taped as live’.
Sa oras ng ito’y gawing nationwide sa susunod na buwan, tatawagin na itong “Mula sa Masa, Para sa Masa.”
Bukod sa TV, i-eere na rin ito sa radyo.
Magkakaroon rin ito ng online version, at malalathala sa print at social media.
Matatandaang nagpasya si Duterte na umiwas na magpa-interview sa media at sa halip, nagpapalabas na lamang ito ng kanyang mga opisyal na pahayag gamit ang government TV network na PTV 4.