Kontaminado, hindi peke

bigas
Inquirer file photo

Walang fake rice, ito ang may katiyakang pahayag ng National Food Authority.

Ayon kay NFA spokesperson Angel Imperial Jr., napatunayan sa kanilang pagsusuri na ang nangyari sa Davao City ay kontaminasyon ng bigas na iniluto at hindi katibayan ng pekeng bigas na unang napabalitang mula sa plastic material.

“Hindi tama ang handling sa bigas na isinaing, nagkaroon ng kontaminasyon, tinitiyak ng NFA na walang kumakalat na pekeng bigas,” ani Imperial. Ang kasong binabanggit ni Imperial ay ang reklamo ng isang pamilya sa Davao City na nagsabing “lasa at tila plastic ang bigas na kanilang nakain” bukod pa sa ito ay hindi napapanis.

Tiniyak din ng NFA na walang grupo o kumpanya na sangkot sa anumang manufacturing ng fake rice sa bansa at lalong wala ring pumasok sa bansa na fake rice.

Isolated case of contamination, iyon ang konklusyon ng NFA.

Ang Senate Committee on Agriculture sa pamumuno ni Senator Cynthia Villar ay nauna nang nagsagawa ng imbestigasyon tungkol sa usapin ng fake rice at isa sa pinatututukan ni Villar ay ang proseso ng importasyon ng bigas na maaaring dahilan ng mga agam-agam tungkol sa fake rice./Gina Salcedo

Read more...