METRO MANILA, Philippines — Kapwà nagpahayág ng kaniláng pagkabahalà siná Sens. Ramon “Bong” Revilla Jr. at Jinggoy Estrada sa nadiskubré ng mga uniporme ng China People’s Liberation Army (PLA) sa sinalakay kamakailán lang na Philippine offshore gaming operator (POGO) hub sa Porac, Pampanga.
Sa magkahiwaláy na pahayág, hinilíng ng dalawáng senadór ang agarang pagkilos ng gobyerno para malaman kung saán ginamit ang mga uniporme lalo na kung itó ay maituturing na bantâ sa pambansáng seguridád.
Idiniín ni Revilla na matagál na niyáng pinaninindigán na dapat mawakasán na ang mga krimén na inuugnáy sa operasyón ng mga POGO hub.
Aniya malinaw namán na ginagamit ang lisensya sa POGO para makagawâ ng krimén sa bansâ.
BASAHIN: Lapid nais maimbestigahán ang sinalakay na POGO hub sa Porac
BASAHIN: Puksaín mga sindikato, huwág mga POGO – Pagcor chief Tengco
Samantala, sinabi ni Estrada na ang mga nakumpiskáng uniporme ay patunay lang ng ginagawáng panloloko ng mga ilegál na POGO.
Aniya dapat ay busisiín ng mga awtoridád ang lawak ng operasyón ng sinalakay na Lucky South Outsourcing Inc.
“Anóng klaseng online scam ang nangangailangan ng props gamit ang uniporme ng PLA? Tanging Chinese nationals lamang ang nakakakilala ng Chinese military uniforms dahil batíd namán siguro ng marami natíng mga kababayan ang gamit ng mga miyembro ng sangáy ng ating Armed Forces of the Philippines,” ani Estrada.