Lahar flow sa Kanlaon Volcano maaarî dahil sa ulán – Phivolcs

PHOTO: Kanlaon eruption
Makikita sa larawan na itó, na kuha ni Dollet Demaflies, ang Kanlaon Volcano na nagbubugá ng abó sa pagsabog nitó. Ang kuha na itó ay mulá sa La Castellana sa Negros Occidental noóng ika-3 ng June2024. (Larawan mulá kay Dollet Demaflies na nilathalà ng Agence France-Presse)

METRO MANILA, Philippines — Dahil sa posibleng pagbuhos ng malakás na ulán ngayong araw ng Huwebes hanggang bukas  ng Biyernes sa Negros Island, nagpalabás ng lahar advisory ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) kaugnáy sa nag-aalburotong Kanlaon Volcano.

Inilabas ang abiso base sa forecast ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (Pagasa) na maaaring makaranas ng malakas na pag-ulán sa isla.

Babalâ ng Phivolcs na maaring umagos ang lahar sa timog bahagì ng bulkan at maaaring maapektuhán ang mga lugár na nakaranas na ng daloy ng lahar kahapón.

BASAHIN: Kanlaon Volcano ‘nanghihinà,’ pero Alert Level 2 nananatilì

BASAHIN: Mga malapit sa Kanlaon dapat gumamit ng mask, goggles – DOH

Una nang nagkaroón ng depósito nang pinaghalong putik, debris, at graba sa Tamburong Creek, na umaagos sa Biak-na-bato at Calapnagan, La Castellana; Intiguiwan River sa Guinpanaan at maging sa Baji-Baji Falls sa Cabacungan, La Castellana; Padudusan Falls, Masulog, Canlaon City; at sa Binalbagan River.

Isáng bahagì ng kalsada sa Biak-na-Bato ang hindí nadadaanan dahil sa umagos na lahar.

Read more...