Sinibak sa pwesto ang limang tauhan ng Manila Police District (MPD) na nakunan sa CCTV camera ang pagbaril sa isang hinihinalang holdaper sa Sampaloc, Maynila.
Kitang-kita sa CCTV camera ang biktimang si Robin Villarosa na bumaba sa minamaneho nitong tricycle nang siya ay harangin ng mga pulis.
Itinaas ni Villarosa ang kaniyang kamay at aktong luluhod dahil nakatutok na sa kaniya ang baril ng mga pulis. Gayunman, bago pa ito makaluhod ay pinaputukan na ito ng isa sa mga pulis.
Ayon kay MPD Director Chief Supt. Rolando Nana, inalisan na ng armas ang mga pulis na sangkot sa insidente. Pero nang sila ay balikan sa station 4 ay wala na ang mga ito at hindi na sila ngayon mahagilap.
Ang mga sangkot na pulis ay sina S/Insp. Rommel Salazar, PO3 Ferdinand Galera, PO1 Jomar Nandoy, PO1 Ronald Depasina at PO1 Roel Landrito.
Sinabi ni Nana na kung hindi lulutang sa MPD headquarters ang mga sangkot na pulis ay idedeklara silang AWOL.
Umaapela ang pamilya ni Villarosa na mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kanilang kaanak. Iginiit din ng mga kapatid nito na wala itong rekord ng panghoholdap o iba pang uri ng krimen./ Dona Dominguez-Cargullo, Gina Salcedo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.