METRO MANILA, Philippines — Hinilíng ni Sen. Lito Lapid sa gobyerno nitóng Miyerkulés na magpatupád na ng price control sa Canlaon City kasunód ng pagputók ng Kanlaon Volcano sa Negros Occidental.
Pinaalala ni Lapid na may batás na nagsasabing maaaring magpatupád ng price control ang pamahalaán sa tuwíng may kalamidád upang hindi makapagsamantala ang mga negosyante.
Sabi pa niyá, nagbabalâ na ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na maaaring masundan ang pagsabog sa mga susunód na araw kayát itinaás nitó ang Alert Level 2 sa paligid ng bulkán.
BASAHIN: Mga malapit sa Kanlaon dapat gumamit ng mask, goggles – DOH
Sinabi pa niyá na tamang hakbáng ang pagdedeklará ng state of calamity sa lungsód base sa nagíng pahayág ni Mayor Batchuk Cardenas.
Itó namán aniya ay para sa paggamit ng pondo para sa agarang pagtulong sa mga apektadong residente.
Kasabáy nitó, pinayuhan ni Lapid ang mga lokál na opisyál na paghandaán na ang posibleng mas komplikadong sitwasyón sakaling magpatuloy ang pag-aalburoto ng Kanlaon.
Ibinahagì pa ng dating gobernador ng Pampanga na nang sumabog ang Pinatubò noong 1991, 847 katao ang namatay, 20,000 katao ang kinailangan ilikas, at 10,000 katao ang nawalán ng tirahan.