Dalawang Bgy. official sa Iloilo na naki-‘ambos’ sa Yolanda relief, sinuspinde

 

Sinuspindi ng Office of the Ombudsman Visayas ang dalawang opisyal ng Barangay sa Lemery, Iloilo dahil sa pakikiparte sa tulong pinansiyal sa isang Yolanda survivor.

Sa desisyon na inarubahan ni Deputy Ombudsman Paul Elmer Clemente hiningi pa nina Barangay Poblacion Southeast Chairman Cherryl Peniero at Barangay Kagawad Rolly Castro ang P10,000 sa P30,000 na nakuhang emergency shelter assistance ni Milagros Binas.

Ang halaga ay nakuha ni Binas mula sa gobyerno bilang tulong sa mga nawalan ng tirahan dahil sa pananalasa ng bagyong Yolanda noong 2013.

Sa reklamo ni Binas sinabi nito na sinamahan pa siya ng dalawang opisyal ng kuhanin niya ang tulong pinansiyal noong June 11, 2015.

Aniya agad hiningi nina Peniero at Castro ang P10,000 bilang donasyon. Nabatid na ang naturang halaga ay ibinigay sa isa rin benepisaryo ng tulong pinansiyal.

Giit ni Clemente hindi nila kukunsintihin ang pangongotong sa isang tao na nangangailangan ng tulong. Suspindido ang dalawa ng siyam na buwan.

Read more...