2 na police chief sa Maguindanao dawit sa pagpatáy ng kapitán
METRO MANILA, Philippines — Dalawang police chief sa Maguindanao del Norte nag kabilang sa 11 pulís na iniimbestigahan kaugnay sa pagpatay kay Capt. Rolando Moralde.
Si Moralde ang administrative officer ng Regional Mobile Force Battalion 14 sa ilalim ng Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region (PRO BAR).
Ang dalawang opisyal na suspeck ay hepe ng pulisya ng mga bayan ng Rajah Buayan at Matnog, kasama na rin ang kanilang mga administrative officer, ayon kay Col. Jean Fajardo, tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP), sa isang press conference nito hapon ng Miyerkules.
Sinabi pa ni Fajardo na ang 11 pulis ay sumasailalim na sa pre-charge investigation ng Regional Internal Affairs Service at PRO BAR.
BASAHIN: Pulis itinuro sa pagpatay sa Leyte barangay chairman
Iniimbestigahan din ang biglang pagkawala ng tatlong pulís na kasama ni Moralde nang siya ay pinagbabaril, maging ang dalawang pulis na nakatalaga sa Parang Public Market, kung saan naganáp ang krimén.
Bukod dito, hiniling na rin ng PNP ang pagbitiw sa kaso ng prosecutor, na nag-utos sa pagpapalaya sa mga pangunahing suspek na sina Master Sgts. Aladdin Ramalan at Shariff Balading.
Pinaniniwalaan na kamag-anak ng dalawang pulis ang hindi na pinangalanan na prosecutor.
Nakipagbarilan si Moralde sa isang Mohiden Untal na kanyang nasitá dahil sa daláng baril sa nabanggit na palengke noong Mayo 2.
Tumulong daw sa pagbaril ang limang kaanak ni Untal at nadiskubre na kasama sa kanila sina Ramalan at Balading.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.