Pangulo ng Iran, 8 pang iba patay sa helicopter crash
METRO MANILA, Philippines — Natagpuang patay si Iranian President Ebrahim Raisi, ang kanyang foreign minister na si Hossein Amirabdollahian, at pito pang iba sa lugar na binagsakan ng kanilan sinasakyang helicopter nitong Lunes matapos ang ilang oras na paghahanap ng isang rescue sa mahamog at bulunduking lugar sa hilagang kanluran ng Iran, ayon sa balita ng Associated Press na nakabase sa state media ng naturang bayan.
Kasama sa mga namatay ang gobernador ng East Azerbaijan Province at iba pang mga opisyal at kanilang mga security aide.
Base sa mga ulat, bumibiyahe sa East Azerbaijan ang Bell 212 helicopter nang ito ay bumagsak malapit sa lungsod ng Jolfa, na may distansiyang halos 600 kilometro mula sa Tehran, ang kabisera ng Iran.
Naging pangulo ng Iran si Raisi, na dating chief justice, noong 2021.
Nagsilbing malaking hamon sa rescue teams ang sobrang lamig na panahon at makapal na fog sa pagpunta sa crash site.
Kasunod ni Raisi sa posisyon si Vice President Mohammad Mokhber, ngunit ang pagtatalaga ng presidente ay nasa kamay ni Supreme Leader Ayatollah Khamenei.
Nangyari ang insidente habang patuloy pa rin ang giyera sa pagitan ng Israel at Hamas.
Nitong nakaraang buwan ng Abril, si Raisi, sa ilalim ni Khamenei, ay nagsagawa ng drone-and-missile attack sa Israel.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.