METRO MANILA, Philippines — Tiwalà si Sen. Sherwin Gatchalian na hindî na makakapag-hugas kamáy si Mayor Alice Guo ng Bamban, Tarlac sa kanyang kaugnayan sa sinalakay na Philippine offshore gaming operator (POGO) hub sa kanyáng bayan noong ika-14 ng Marso.
Base itó, ayon sa senador, sa mga karagdagang dokumento na kaniláng nakalap.
Lumalabas aniya na bagó mahalál si Guo siyá ang lumakad para sa permit ng Zun Yuan Technology Inc., at nang mahalál na siya bilang mayor ay siyá na rin ang nag-aprubá ng mga permit.
Ang lupà na pinagtayuán ng POGO hub ay pagmamay-arì din ni Guo.
Sinabi na ni Gatchalian na hindi kapani-paniwala ang mga katuwiran ni Guo na wala siyáng alám sa mga ilegál na mga aktibidád sa POGO hub na sinalakay ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
Humaráp sa pagdiníg sa Senado si Guo, kung saán siyá ay sinubukang dumistansiya sa operasyón ng naturang POGO hub.
Ngunit, kasunód nito, dagdág pa ni Gatchalian, ay inulán silá ng mga karagdagang impormasyón ukol sa kaugnayan niyá sa ilegál na POGO.
Sa Miyerkulés ang susunod na pagdiníg at tiniyák ng senador na bibigyan nilá ng pagkakataón mulí si Guo na magpaliwanag at patunayan na malî ang mga nakuha nilang impormasyón base sa mga nakalap na mga dokumento.