METRO MANILA, Philippines — Binabalak ng Sugar Regulatory Administration (SRA) ang posibilidad na mag-aangkat ng asukal para maiwasan ang pagtaas ng presyo nito sa mga pamilihan.
Ayon kay SRA Administrator Pablo Azcona, ang plano ay base sa kanilang buffer stock at pangangailangan sa asukal.
Aniya ayaw nang maulit ng SRA ang nangyari noong 2022 kung kailan bumagsak sa 27,000 metric tons ang buffer stock ng asukal sa bansa at nagresulta ito sa pagsirit ng presyo ng asukal sa P130 kada kilo.
BASAHIN: Produksyon ng asukal sa Pilipinas maaring bumaba dahil sa El Niño
Dagdag pa ni Azcona na 185,000 hanggang 200,000 metric tons ng asukal ang binabalak bilihin sa ibang bansa alinsunod na rin sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na ang gusto ay may pang-dalawang buwan na buffer stock ng asukal.
Wala pang petsa kung kailangan mag-aangkat ng asukal ang SRA.
Sa ngayon, P73 hanggang P100 kada kilo ang presyo ng asukal sa Metro Manila, at hanggang noong ika-5 ng Mayo, may buffer stock pa ng asukal sa bansa na 1.1 million metric tons.