Ex-PDEA intel officer may perpetual ban sa gov’t service – CSC
METRO MANILA, Philippines — Sampung taon na ang lumipas nang parusahan ng “perpetual ban” sa anumang ahensiya ng gobyerno si dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) intelligence officer Jonathan Morales.
Si Morales — na tinawag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na “professional liar” — ay tinanggal sa PDEA dahil sa pagtatanim ng ebidensiya sa isang pekeng anti-drug operation noong Mayo 2010 at naharap sa kasong grave misconduct at dishonesty.
Ayon sa record na inilabas ng Civil Service Commission (CSC), pinagtibay ang desisyon ng PDEA noong ika-7 ng Hulyo 2014 at napatawan si Morales ng perpetual disqualification sa anumang posisyon sa gobyerno.
Pinagbawalan na rin siyang kumuha ng anumang civil service examination at hindi na rin ibinigay sa kanya ang kanyang mga benepisyo.
Noong 2012, sa paglilitis sa dalawang akusado sa iniulat niyang anti-drug operation, binawi ni Morales ang kanyang testimoniya at sinabing walang nangyaring operation at gawa-gawa lamang din nila ang mga ebidensiya.
Sa dalawang pagdinig sa Senado ukol sa pagsasapubliko ng mga sinasabing confidential documents ng PDEA, sinabi ni Morales na siya ang kumuha ng pahayag ng isang confidential informant noong 2014 na nag-ugnay kay Marcos at aktres na si Maricel Soriano sa droga.
Inihalintulad din ni Marcos si Morales sa jukebox na matapos hulugan ng pera ay patutugtugin ang anumang kanta.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.