Villar bill layuning alisin mga ‘middlemen’ ng mga magsasaka
MANILA, Philippines — Nais ni Sen. Cynthia Villar na maipasa na ang panukalang Anti-Agricultural Economic Sabotage Law para mabura na ang “middlemen” sa pagbebenta ng mga magsasaka ng kanilang mga produkto.
Sinabi ni Villar na nasertipikahan na ni Pangulong Marcos Jr., na “urgent” ang panukala at naipasa na ito sa Senado noong nakaarang Disyembre.
Aniya layon ng Senate Bill No. 2432 na mapabigat ang mga parusa at multa sa mapapatunayang sangkot sa smuggling, hoarding, profiteering, at cartel ng mga produktong agrikultural upang mas mabigyan ng proteksyon ang mga nabubuhay sa sektor ng agrikultura at para na rin sa mas maayos na pangongolekta ng mga buwis.
Ukol sa National Food Authority (NFA), ibinahagi ni Villar na ilan sa mga kapwa niya senador, kabilang na siya, ang nagtangkang bumili ng bigas sa ahensiya upang ipamahagi sa mga naapektuhan ng kalamidad sa Mindanao.
Napagsabihan daw silang mga senador na walang stock, ngunit nalaman nila na nagbebenta ng bigas ang NFA sa mga negosyante.
Dinipensahan din ng namumuno sa Senate Committee on Agriculture ang Rice Tariffication Law dahil daw natutulungan nito ang mga maliliit na magsasaka sa pamamagitan na pimamahagi nitong Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF).
Sinabi ni Villar na ang humihigit sa P10 billion RCEF ang napupunta sa Rice Farmer Financial Assistance para naman sa mga magsasaka na walang dalawang ektarya ang taniman, gayundin sa mga maliliit na mangingisda.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.