Lacson pabor, pero Honasan, dahan-dahan lamang dapat daw sa mga rebelasyon

 

Naniniwala si Senador Panfilo Lacson na may hawak na A-1 information si Pangulong Rodrigo Duterte kaya’t nagawa nitong personal na tukuyin sa harap ng taumbayan ang limang mga retirado at aktibong heneral na sangkot umano sa pagbibigay proteksyon sa sindikato ng droga sa bansa.

Ayon kay Lacson na isang PMA alumni member, noon pa man, may natatanggap na siyang impormasyon na hindi bababa sa dalawang mga police official ang protketor ng iligal na droga kahit noong siya ay pinuno pa ng Presidential Anti Organized Crime Task Force.

Paniniwala rin ng senador, bilang Pangulo ng bansa, si Duterte ang nasa pinakamainam na posisyon para tukuyin at kumpirmahin ang lahat ng impormasyong kanyang tinatanggap.

Samantala, ayon naman kay Sen. Gringo Honasan, hindi dapat isinasalang sa trial by publicity ang mga opisyal na binabanggit na sangkot umano sa pagbibigay-proteksyon sa drugs syndicate.

Paliwanag ni Honasan, na isa ring PMA graduate, ito’y dahil may mga pamilya at anak ang mga ito na nadadamay kahit hindi naman direktang sangkot sa isyu./

Read more...