MANILA, Philippines — Nais mabawasan ni Sen. Sherwin Gatchalian ang oras ng pagtuturò ng mga gurô sa mga pampublikóng paaralán.
Sa inihain niyang panukalâ para baguhin ang Magna Carta for Public School Teachers, sinabí ni Gatchalian na mulâ sa kasalukuyang anim na oras dapat gawíng apat na oras na lamang ang pagtuturò ng mga gurô.
Paliwanag ni Gatchalian na maaaring humigít sa apat na oras ang pagtuturò ngunit hindí maaaring lumampás ng walóng oras. At dapat din daw silá bigyan ng “overload pay” na 25% ng suweldo nilá.
Sa kasalukuyan, walóng oras ang dapat na ipinagta-trabaho ng mga gurô at ang dalawáng oras ay nakalaán para sa paghahandaâ ng lesson plan at pagwawastô ng student exercises.
Nakasaád din sa Senate Bill No. 2493 na bawal nang bigyán ang mag gurô ng nonteaching duties.
Sa pag-aaral ng Second Congressional Commission on Education (Edcom 2), 50 trabahong administratibo ang ginagawâ ng mga gurô at ang mga itó ay waláng kaugnayan sa pagtuturò.
Ipinanukalà din ni Gatchalian na pagkalooban ng limáng araw na calamity leave with pay ang mga gurô.