Balitang pagbuhay sa Pork Barrel, guni-guni lang- Rep. Alvarez

 

Inquirer file photo

Tinawag ni incoming House Speaker Pantaleon Alvarez na isang malaking kalokohan ang ulat na bumalik na ang Pork Barrel ng mga Kongresista.

Giit ni Alvarez, guni-guni lamang o imahinasyon ang pagbuhay sa Pork Barrel.

Aniya, malabong maibalik ang Priority Development Assistance Fund o PDAF on mas kilala bilang Pork Barrel dahil mismong ang Korte Suprema na ang nagdeklarang unconstitutional ito.

Pagtitiyak pa ni Alvarez, hindi hahayaan ni Budget Secretary Benjamin Diokno na mabuhay ang Pork Barrel, dahil magbubunga lamang ito ng kontrobersiya at kaso.

Reaksyon ito ni Alvarez kasunod ng napabalitang pagsusumite ng mga Kongresista ng listahan ng pet projects sa House Committee on Appropriations.

Paliwanag ni Alvarez, normal ang pagsusumite ng mga Mambabatas ng mga proyekto upang mapondohan sa ilalim ng national budget. Depende rin umano sa DBM kung popondohan ang mga proyekto.

Dagdag ni Alvarez, sakaling mabibigyan ng alokasyon ng Kongreso ay hindi basta-bastang pwedeng makialam ang mga Kongresista sa implementasyon ng mga proyekto.

Read more...