128 patay sa malawakang pagbabaha sa China

By Kathleen Betina Aenlle July 06, 2016 - 03:22 AM

 

AFP/Inquirer.net

Mahigit 128 na ang naitalang nasawi at maraming iba pa ang nawawala dahil sa baha na idinulot ng malakas na ulan sa China na nag-bunsod ng pag-apaw ng Yangtze river.

Pinangangambahang posible pang dumami ang mga maitatalang pinsala oras na mag-landfall ang bagyo sa kanila ngayong linggo.

Napilitan na ring lumikas ang nasa 1.3 milyong residente lalo na iyong mga nakatira malapit sa pinakamahabang ilog ng China na Yangtze at sa mga konektadong waterways dito.

Base sa ulat ng Xinhua news agency, milyun-milyon pa ang nanganganib dahil sa patuloy na pagbuhos ng ulan na nagsimula noong katapusan ng Hunyo at sumira na ng hindi bababa sa 41,000 na tahanan.

Naitala rin ang pinakamataas na lebel ng tubig sa Taihu Lake na malapit sa Shanghai, kaya nanganganib rin na makaranas ng malawakang pagbaha ang nasabing lugar.

Sa ngayon, nasa 38.16 billion yuan na o $5.73 billion ang naitalang halaga ng pinsalang idinulot ng ulan, habang 42 ang sinasabing nawawala pa rin.

Inaasahang magpapatuloy pa ang pag-ulan sa mga susunod na araw habang tinatahak nito ang hilagang direksyon patungong Huai river.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.