Nagsagawa ng kilos-protesta ang Alyansa Bantay Kapayapaan at Demokrasya o ABKD sa Embahada ng China sa Makati City at kinondena ang nagpapatuloy na “bullying tactics” sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay RJ Villena Jr., ang lead convenor at tagapagsalita ng alyansa, nararapat lamang na itigil na ng China ang pangha-harass sa mga Filipino, lalo na sa mga mangingisda maging sa loob ng kinikilalang exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
“Kami, ay mula sa iba’t-ibang samahan at sektor sa pangunguna ng mga kabataan ay nagsama-sama at itinatag ang bagong katipunan ng mamamayang Pilipino; ang at may layuning pagkaisahin at pakilusin ang malawak na mamamayan para suportahan ang lahat ng programa, polisiya, at hakbang ng administrasyong Marcos, Jr.,” aniya.
Diin niya dapat ay kilalanin at irespeto ng China ang 2016 2016 Arbitral Ruling na pumabor sa Pilipinas at ang United Nations Convention of the Law of the Sea (UNCLOS).
Dagdag pa niya, hindi din dapat kilalanin ang sinasabing “gentleman’s agreement” sa pagitan nina dating Pangulong Duterte at China sa katuwiran na hindi ito ayon sa mga batas.
“Kami din ay nanawagan sa lahat ng mga Pilipino, matataas na lider ng bansa at mga mambabatas sa kongreso na magkaisa at itigil na ang mga panawagang panggugulo. Bagkus, ay tumindig at manindigan laban sa pangbu-bully ng Chinese Coast Guard sa mga sundalo at mangingisdang Pilipino sa WPS at EEZ ng Pilipinas ,” sabi pa ni Villena.
Suportado din ng grupo ang pagbabalik ng mandatory Reserved Officers’ Training Corps (ROTC) program.