Proseso sa repatriation ng nasawing 3 OFWs sa UAE nagsimula na – OWWA

By Jan Escosio April 19, 2024 - 11:46 AM

Siniguro ni OWWA Chief Arnell Ignacio na mamadaliin ang pagpapa-uwi sa mga labi ng tatlong OFWs na nasawi dahil sa pagbaha sa UAE. (OWWA PHOTO)

Ibinahagi ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Arnell Ignacio na nagsimula na ang proseso para sa pagpapa-uwi ng mga labi ng tatlong overseas Filipino workers (OFWs) na nasawi sa matinding pagbaha sa United Arab Emirates (UAE).

Kasabay nito, sinabi din ni Ignacio na may nakipag-ugnayan na rin sila sa mga naulilang pamilya nina Dante Casipong, Jennie Gamboa at Marjorie Saquing para sa pagbibigay ng mga kinakailangang tulong ng mga ito.

Si Casipong ay nasawi nang mahulog sa isang sinkhole sa Dubai Airport ang kanilang sasakyan. Ang dalawa niyang kasamang kapwa Filipino na sina Mark Louie Pimentel at Lydin Cambalon ay kapwa naisugod sa ospital.

Sina Gamboa at Saquing, ayon pa kay Ignacio, ay kapwa idineklarang dead on arrival sa ospital dahil sa cardiac arrest.

Aniya base sa natanggap nilang impormasyon, bigla na lang umusok ang shuttle bus na sinasakyan ng dalawa sa kasagsagan ng pagbaha at na-suffocate sila sa usok.

Pagtitiyak ni Ignacio na mamadaliin nila ang pagpapa-uwi ng mga labi ng tatlo sa pagbuti ng sitwasyon sa UAE, na aniya ay 75 taon na ang lumipas nang huling makaranas ng pagbaha.

May 160 OFWs na sa Abu Dhabi ang napadalhan na rin ng paunang tulong.

Nabatid na nakapagtala ng higit 1.2 milyong Filipino sa UAE at 260, 181 sa mga ito ak aktibong miyembro ng OWWA.

Samantala, sinabi din ni Ignacio na handa silang magpa-uwi ng OFWs mula sa UAE kung may matatanggap silang kahilingan.

 

 

TAGS: OWWA, repatriation, OWWA, repatriation

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.