Sinabi ni Senator Francis Tolentino na dapat ay masusing imbestigahan ng Commission on Higher Education (CHEd) at Bureau of Immigration (BI) ang napa-ulat na pagdagsa ng Chinese nationals sa isang pribadong unibersidad sa Cagayan.
Ayon pa kay Tolentino ang sinomang banyaga na mapapatunayang sangkot sa “diploma-for-a-fee” modus ay nararapat lamang na sipain palabas ng bansa matapos kanselahin ang student visa.
Una nang napaulat na dumagsa ang Chinese citizens sa Cagayan at nag-aaral sa pribadong unibersidad.
Ilang lokal na opisyal ang nagpahayag ng pagkabahala dahil sa mga impormasyon na binibili lamang ng mga banyagang estudyante ang diploma hanggang sa halagang P2 milyon.
Dagdag pa ni Tolentino dapat din alamin ng awtoridad ang dahilan sa pagkakapili sa Cagayan university ng mga estudyanteng Chinese.