Nakakaalarma para kay Senator Sherwin Gatchalian ang pagtaas ng red at yellow alert status dahil sa kakapusan ng suplay ng kuryente sa Luzon at Visayas grids sa magkasuinod na araw.
Aniya hindi na rin ito katanggap-tanggap dahil matagal at paulit-ulit na lamang ang panawagan sa Department of Energy (DOE) na bumuo ng contigency plans.
Paliwanag niya ang hinahanap niyang contigency plans ay para matiyak na magkakaroon pa rin ng sapat na suplay ng kuryente kapag may bumagsak na planta o magbawas ng kapasidad.
Tinukoy din ni Gatchalian ang power generation companies at iba pang stakeholders sa industriya na magkaroon din ng plano na agad mailalatag kapag kinapos ang suplay ng kuryente.lalo na ngayon mataas ang temperatura dahil sa panahon ng tag-init.
Dapat aniya ay maging “proactive” ang DOE para mabawasan ang masamang epekto ng kapos na suplay ng kuryente.
Siningil naman ni Sen. Grace Poe ang DOE sa pangako at pagtitiyak na may sapat na suplay ng kuryente ngayon taon kahit pa may El Nino.
Diin nito, lubhang apektado ang mga konsyumer at negosyo kapag napuputol ang suplay ng kuryente.
Labis na ipinag-aalala ni Poe ang anunsiyo ng PAGASA na sa susunod na buwan ay mas magiging mainit ang panahon.
Kaugnay pa nito, nanawagan na ang Manila Electric Company (Meralco) para sa pagpapatayo ng mga karagdagang power plants sa Luzon at Visayas.
Sinabi ni Meralco spokesman Joe Zaldarriaga sa pagtaas ng red alert nangangahulugan na hindi na kinakaya ng suplay ng kuryente ang pangangailangan ng mga konsyumer kayat kailangan ng mga hakbang at inisyatibo kasama na ang pagkakaroon ng bagong power plants.