Pagbusisi sa Digong-China “gentleman’s agreement” pag-uusapan ng mga senador
Ibinahagi ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na magsasagawa ng caucus ang mga senador ukol sa resolusyon ni Senator Risa Hontiveros na maimbestigahan sa Senado ang pagpasok ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa “gentleman’s agreement” sa China.
Sinabi ni Villanueva na may agam-agam ang ilang senador ukol sa gagawing pagbusisi sa sinasabing kasunduan dahil matatalakay ang pambansang seguridad dahil na rin sensitibong isyu ang agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).
Katuwiran pa ng senador walang katibayan ang naturang kasunduan dahil usapan lamang ito, walang testigo at kasulatan.
Dagdag pa ni Villanueva, kailangan din pag-usapan kung public hearing ang isasagawa o executive session.
Bukod pa dito aniya, kailangan din idetermina kung ang mag-iimbestiga ay ang Committee on Foreign Relations, na pinamumunuan ni Sen. Imee Marcos o ang Committee on National Defense ni Sen. Jinggoy Estrada.
Kinailangan, dagdag pa ni Villanueva, na magiging maingat ang pagtalakay sa mga ganitong usapin sa publiko dahil tiyak na nakamasid ang China.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.