Lease-free installation sa broadband links isinusulong
Nais ng Citizen Watch Philippines na magkaroon din ng libreng access ang pagkakabit ng broadband connectivity katulad sa koneksyon sa kuryente at tubig.
Ayon sa grupo hindi na dapat magkaroon pa ng dagdag gastos ang mga internet provider.
Sinabi ni Tim Abejo, co-convenor ng CitizenWatch ang broadband link ay isa ngayong mahalagang productivity at communications tool na dapat gawing accessible sa lahat ng mamamayan, kaya dapat itong magkaroon ng sapat na alokasyon ng lugar sa konstruksyon ng mga pribado o pampublikong istraktura.
“Having internet connection in every workplace, commercial and residential areas should now be a standard amenity, the same way that adequate utility easements are provided for electricity and water services,”aniya.
Kasabay nito, hiniling ng Citizen Watch sa Kongreso na bigyang prayoridad ang pag-amyenda sa National Building Code upang tulad ng water at electricity facilities ay maging lease free na din ang telecommunications at broadband network links sa design stage pa lang.
Batay sa impormasyon mula sa Department of Information and Communications Technology (DICT) hanggang noong nakaraang taon, 65 porsiyento ng populasyon ng Pilipinas ang wala pa ring access sa internet.
At sa datos naman ng Statista Research Department, 77.81 porsiyento lamang ng populasyon sa bansa ang magkakaroon ng internet connection sa 2028.
Ang average broadband internet speed sa Pilipinas ay kasalukuyang ika-41 sa mundo, ayon sa Telecom Review.
Sa kasalukuyan, 767 gusali sa buong bansa ang tinanggap ang zero-lease initiative, kung saan ang Makati City ang may pinakamataas na bilang sa 105, kasunod ang Taguig na may 91, at Quezon City na may 57 sa ilalim ng Globe Telecommunications.
Samantala, ang mga lugar sa North at South Luzon, Visayas, at Mindanao ay hindi pa makasabay sa zero-lease para sa mga gusali upang makatulong sa pagkakaloob ng mas mabilis na internet access.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.